Maanne Ilagan Lopez
A WORK IN PROGRESS

Graduation Nostalgia

Blue and Silver January-February 2009

Graduation Nostalgia

Miyerkules, ika-28 ng Enero 2009, pasado alas siete ng gabi… Isang araw na naman ang natapos. Palabas na sana ako ng eskuwelahan nang makita ko ang dalawa kong kaklase na nakaupo sa may puno sa Freedom Park. Sasaglit sana ako para alamin kung bakit hindi pa sila umuuwi, sa halip ay napaupo ako kasama nila. Dati-rati ay palagi silang nagmamadaling umuwi, pero noong gabing iyon ay pinili nilang tumambay muna. Sa kalahating oras na pag-usap ay nagbalik-tanaw kami sa mga bagay na hindi namin malilimutan dito sa munti nating Unibersidad.

Hindi ko malilimutan nang una ko itong masilayan noong 2005. Hindi ganun kaganda ang anyo, at hindi rin naman kapangitan, pero malayo sa pinapangarap ko. Kung ikukumpara sa UP, La Salle at Ateneo, walang panama ang Philippine Christian University.

Hindi ko malilimutan kung paano ako nagsimula bilang estudyante sa bagong kapaligiran sa unang linggo ko sa PCU – bagong mukha, bagong lugar, halos bago ang lahat sa paningin ko. Bagong salta kasi ako sa Maynila. Masuka-suka pa ako sa araw-araw na biyahe. Palayuan pa nga ng inuuwian at kung sino ang mas natrapik ang usapan sa umaga: mapa-Laguna, Cavite, Las Piñas, Parañaque, Muntinlupa, Pampanga, Marikina, Antipolo o Bulacan. At sa bawat simula ng klase ay isang malaking hamon ang paghahanap ng mga silid. Kulang-kulang kasi ang room assignments na nakalagay sa RC. Sa unang linggo ng klase ay magkakasama kaming magkaka-block sa paghahanap ng klase, gayundin sa pagkain sa canteen o sa Robinsons. Pati ibang kainan sa paligid ng PCU ay sinubukan rin naming kainan: Pepots, Tupperware, Tres Marias, Charlie Chow, McDo at Jollibee. Sa paglabas ng PCU ay nasanay na rin ang mga estudyante sa mapanghing bahagi sa may 7-Eleven at sa magulong traffic system sa Pedro Gil. Pero kung saan-saan man kami dalhin ng aming mga sikmura ay walang isang linggo na hindi namin titikman ang paboritong mango shake at spaghetti ni Pangga (Giddy’s). Bonding time na maituturing ang unang linggo dahil ang pagtuturo sa klase ay sa ikalawang linggo pa nagsisimula, marami pa kasing late enrollees. Ang kulturang PCU nga naman, kung kailan malapit na ang pasukan tsaka pa lang mag-eenroll ang mga estudyante.

Kadalasan sa canteen kami dumederetso para mag-almusal at basahin ang aming mga leksyon. Sa second floor pa kasi ang canteen noon; malamig, may TV at malapit sa PCU Arcade at Convenience Store. O kaya naman ay matatagpuan kami sa library, sa Boracay, sa blue chairs o sa façade pag break time. Sa totoo lang, unahan lang yan sa pwesto ng tambayan. Sama-samang nag-aaral para sa mga major subjects. Lalo na sa mga English subjects, strikto kasi ang mga propesor sa attendance, sa exam permit, sa lahat. Minsan nga daig pa nila ang mga totoong major subjects sa kahigpitan.

Hindi ko din malilimutan ang ating mga kapitbahay na maituturing ko sa PCU. Nariyan sila Kuya Guard na minsan ay masungit at minsan naman ay mabait. Trabaho lang at walang personalan ang ginagawa nila sa araw-araw na pagsita sa mga lumalabag sa dress code. Tsinelas, ito ang paboritong sitahin ng mga guwardiya at isa lang ang pwedeng maging exemption ng mga nais mag-tsinelas, ito ay kapag umulan. Lumulubog na kasi ang Taft sa saglit na pag-ulan. Hindi ko malilimtan kung paano ma-stranded ang mga estudyante sa tuwing nagkakaroon ng lawa sa parking lot na kamakailan ko lang nalaman na quadrangle pala ang tawag. Certified Dolphins nga tayong maituturing dahil bawat estudyante ay nakaranas nang lumusong sa baha para lang makauwi.

Pero ano ba talaga ang pinakadahilan kung bakit hindi ko malilimtan ang PCU? Kagaya din naman ako ng mga normal na estudyante na dati ay di pinapahalagahn ang bawat araw na lumilipas. Pero para sa aming mga magtatapos ng kolehiyo ay wala nang ordinaryong araw. Maaaring hinahamak tayo ng ilan sa pagtawag sa atin na iskwater, pero hindi nito sinasalamin na walang kwenta ang PCU. Faith, Character and Service ang tunay na tatak ng PCU. Hindi lang sa libro nakukuha ang mga leksyon. Masasabing may natutunan ka kung makikita ito sa iyong pamumuhay at hindi lang basta sa grades na nakukuha sa mga pagsusulit at class cards. Maliban sa mga propesor, nakakakuha tayo ng aral mula sa ating mga karanasan at sa mga taong ating nakakasalamuha.

Ngayon ay binibilang ko na lamang ang mga nalalabi kong araw sa PCU bago ako magmartsa suot ang aking toga. Hindi pa man ako umaalis ay hinahanap-hanap ko na ang mga sulok ng paaralang ito. At sa bawat araw na lumilipas ay lalong naninikip ang aking dibdib. Hindi ko malilimutan ang PCU dahil sa NCAA, sa mga laro sa Cuneta Astrodome at Araneta Coliseum. Hindi ko malilimutan ang PCU hindi lang dahil sa aking mga striktong propesor. Hindi ko malilimutan ang PCU hindi lang dahil sa mga kaibigan ko. Hindi ko malilimutan ang PCU hindi lang dahil natuto ako dito ng mga aral na hindi matatagpuan sa libro. Hindi ko malilimutan ang PCU dahil mahal ko ito at naging malaking bahagi ito ng buhay ko.

Sa tuwing naiisip ko na nalalabi na ang panahon ko sa kolehiyo ay namumugto ang aking mga mata. Maaaring masmaraming unibersidad ang higit na kilala at maganda kaysa sa ating paaralan, ngunit sa pag-apak ko sa bagong mundo ay taas-noo kong masasabi na produkto ako ng PCU. Ilan lamang ito sa mga di mabilang na alaala at mga aral na aking natutunan sa apat na taon ko sa kolehiyo – mga sandaling paulit-ulit na aking aalalahanin at babalik-balikan.

Namumugto ang aking mata habang ako ay nakadungaw sa bintana ng bus at pinagmamasdan ang PCU habang umaandar papalayo.

Advertisements

No Responses to “Graduation Nostalgia”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: